Sa Pagtatapos ng Tag Araw

Category: , By DuNi


“Oy, kumusta ka na?”




“Okay naman ako. Ikaw?”


“Okay naman din ako. Tagal nating hindi nagkita ah!”


Sa tinagal-tagal nang hindi naming pagkikita, natameme pa rin ako at walang akong nasambit kundi kumusta. Hindi ko akalain na makikita ko pa uli siya pagkatapos ng mahigit ng dalawampung taon. Bumalik tuloy ulit ang mga katangi-tanging alaala sa buhay ko. 


Tag-araw nang magkakilala kami. Panahon ng tag-araw, syempre bakasyon para sa mga kabataan. Kung ngayon maraming gadgets at lugar na pwedeng mapaglibangan ng mga teenager, sa probinsya naman ang takbuhan ng karamihan noon, lalo na ako na hindi mabilang ang pagpipilian sa dami ng mga kamag-anak ko na nakatira sa probinsya. Sa mga kabataang kumukuha lang sa facebook ng paglilibangan, walang katapat ang mga karanasan ko noong bakasyon nung bata pa ako.


Tag-araw ulet ng maisipan kong pumasyal. Sa mahigit na dalawang dekadang itinagal, alam kong maraming nagbago. Mula sa poste, sa mga lubak ng kalsada, at maging sa mga dating bukirin na tila tinangay na rin ng agos ng kaunlaran, ramdam ko sa sarili ko ang kaunting kaba habang binabaybay ang bagong daan patungo sa nakaraan. 


Kilala pa rin niya ako sa kabila ng matagal na panahon. Hindi ko inaasahan yun. Mga bata pa kami noon, mas madalas na paglalaro ang inaatupag, at marahil iyon na rin ang dahilan kung bakit nananatili pa rin sa alaala yung masasayang oras, yung panahong nagkakasundo kayo sa mga paksang pinag-uusapan nyo, at kahit yung mga oras na nagtatalo kayo dahil sa magkaibang pananaw sa buhay.


Patapos na ang tag-araw. Unti-unting binabalot ng kulay abong ulap ang matingkad na asul na langit. Gustuhin ko man ituloy ang pagbabalik-tanaw sa masasayang alaala namin, may hangganan din ito. Katulad ng bakasyon tuwing tag-araw na natatapos sa pagsapit ng tag-ulan, ang dagliang pagpapaalam ay mukhang naulit na naman. Parang noong huli akong umalis. Biglaan. Madalian. Walang patumpik-tumpik. Wala nga yatang pormal na paalam, yung tipong basta na lang umalis para hindi maabutan ng tag-ulan. Baon ang pag-asang magbabalik muli sa susunod na tag-araw, na hindi na naulit hanggang sa lumipas ang mga taon.


Ngayon, magtatag-ulan na naman. Oras na naman para magpaalam. Paalis na lang ulit ako kaso hanggang kumusta lang ang nasabi ko. Buti na lang inabot ako ng malakas na ulan. Kahit papano hindi nya nakita ang pighati na ini-inda ko sa matagal na panahon.

0 comments so far.

Something to say?