Fiesta na naman sa atin!
Fiesta na naman sa atin! Sorry. Eleksyon pala. Pakiramdam ko kasi parang fiesta lang ang mood. Parang kelan lang nagdaos tayo ng huli nating fiesta. Sorry ulit, eleksyon nga pala. Wala pang halos anim na buwan simula nung huli tayong bumoto. Unang automated elections pa nga kaya halos excited lahat noon. Maganda ang naging objective ng automated elections pero hindi maganda ang resulta para sakin. Medyo bitter pa rin sa pagkatalo ng manok ko syempre.
Pero ngayon ibang level naman. Hindi muna automated dahil Barangay Elections lang naman daw. Entry level o lower level, parang wala din naman pinagkaiba. May namamatay pa ring kandidato. May early campaigning pa rin. May gumagastos pa rin ng malaki, lalo na yung manok ng mga mayors. May nagbabayad pa rin ng ikapo. May VOTE-BUYING pa rin. May liquor ban nga, pero isa lamang itong legitimate na dahilan para sa bahay na lang mag-inuman at hindi sa mga beerhouse o mga bars. In short, madumi pa rin ang eleksyon campaigns!
Dito sa amin, ang Kapitan ay anak ng Mayor. Ang SK Chairman anak din ni Mayor. Family Affair, kumbaga. At kapag usapang pamilya, hindi mawawala ang Family Feud!(complete with Dingdong Dantes arm swinging, but not the same face). Ang kalaban ni Kapitan ay anak nung matinding kalaban ni Mayor. Kulang na lang tumakbo din ang isang anak ni kalaban ni Mayor sa SK para talagang Family Feud ang dating!
Sigurado naman na walang panalo ang mga kalaban ni Kapitan kahit lumindol pa at magkamali ng bilangan! Una, hindi maglalabas ng pondo para sa Barangay kapag natalo ang kanyang anak. Pangalawa, kung ikaw ang mayor sa bayan nyo pababayaan mo bang matalo ang mga anak mo?
Ang mga kagawad parang senatoriables din ang dating, makikisakay kay kapitan, makikisakay sa mga ka-barangay, makikisakay sa mga isyu. Maglalaglagan din sa huli! Kulang na lang ibugaw ang sariling anak na babae kay Mayor para malakas ang kapit sa Kapitan, sa Barangay, at sa City Hall. Barangay level pa lang, gumagawa na ng kalokohan. Tama nga yung facebook status ni Marky(isa sa magaling na blogger na nakilala ko). Sa Barangay madalas nag-u-umpisa ang corruption.
Meron na ring nag-u-udyok sa akin. Meron nagtatanong kung wala daw ba akong balak din na tumakbo. Ang sabi ko lang sa kanila ay ganito: “Wala... kaya nga ako nag-assemble ng bike kasi ayaw kong tumakbo.”
Walang matinong nagseserbisyo sa sariling bayan ang hindi naigugupo ng kasamaan. Parang kamatis din yan, lahat yan magiging bulok pagdating ng panahon, mahaluan man yan ng kahit isang bulok na kamatis o hinde. Hindi natin pwedeng lagi na lang sisihin ang sistema. Sistema lang yan. Tayo ang may utak. Tayo ang nag-iisip kung ano ang tama at mali. Kailanman ay hindi alam ng sistema kung tama o mali ang desisyon nito.
Yung iba sa atin hindi naiisip ito kasi may sarili din silang balak. Ako? Walang wala. Good luck na lang sa matitinong kaibigan na binabalak sumuway sa sistema at baguhin ang pangit at gawing matino. Hanggang dun na lang malamang ang suporta ko. Nakakasawa na rin. Si Governor, Congressman, Mayor, Councilor, Kapitan o Kagawad – kilala ka lang nyan pag eleksyon. Pagkatapos nun hindi ka na nya kilala hanggang sa susunod ulit na eleksyon.
Same-same. Over and over. Parang plaka. Parang Fiesta. Mabait ka sa lahat ng tao dahil fiesta. Pagkatapos ng Fiesta parang hindi na kayo magkakakilala.