Basag

Category: By DuNi

Ang basag na salamin ay mananatiling basag habambuhay. Katulad ng mga relasyon, tila yata wala nang pag-asang maayos pa ang hidwaang nangyari, ang mga galit na kinimkim, at ang lungkot na dumadapo sa tuwing nababanggit ang isa't-isa. Oo inaamin ko, mataas ang pride ko, pero may hangganan din naman yon, kung sakaling magkaroon ng kompromiso, kakainin ko ang pride ko, alang-alang sa pagmamahal.


Sa tingin ko nagpakumbaba naman ako kahit konti eh. Sinubukan kong lumusong sa alon ng galit, ng walang kasiguruhan, na magparamdam sa iyo. Kung sakali man lamang, mapansin mo sana na gumawa ako ng kaunting hakbang upang magkaroon ng kaunting pag-asa upang magkausap. Pero wala akong nabalitaang pagsagot, marahil sa isip ko, ay hindi pa iyon ang tamang panahon para magparamdam at magpaalala na maaari nang kalimutan kung anuman ang naging alitan.


Ngunit nitong nakaraan lamang, pumasok sa akin ang realidad. Parang salamin na basag... hindi na maaaring ibalik pa sa dati. Magagamit pa siya ngunit hindi na katulad ng dati. Ang mga asal na nakita ang nagpatunay lamang na wala na talagang pag-asa pang maayos ang pilit na inaayos. Ang pagbalewala ang pagpapatunay na marahil hindi pa tama ang panahon, o lipas na ang panahon para ayusin ang lahat. Pagod na rin ako. Hindi ko na nais pang maging magulo ang nananahimik kong buhay. Marami pa akong mga responsibilidad. Mga responsibilidad na noong una ay mahirap matanggap sa kabila ng mga magkasalungat na desisyon. Mga responsibilidad na kailangang gampanan bunga ng mga pagkakamali. Mga responsibilidad na buong pusong tatanggapin, kung anuman ang magiging kahihinatnan sa hinaharap.


Hindi ako katulad ng iniisip mo.  Hindi ako katulad mo.


Kung sakaling magtagpo muli ang ating landas, marahil kaunting sulyap na lang ang maibabahagi ko sa iyo... parang salaming basag... nakikita pero hindi bibigyan ng importansya.